125

Mar 1, 2021 @ 19:07
By

Pension, gratuity fund ng mga sundalo at pulis pinakialaman – Defensor

Tinapyasan umano ng P20 bilyon ang pondo para sa pension at gratuity fund ng mga pulis, sundalo at iba pang unipormadong tauhan ng gobyerno.

Sa kanyang privilege speech, kinuwestiyon ni AnaKalusugan Rep. Michael Defensor kung bakit pumayag ang liderato ng Kamara de Representantes sa pagbawas ng pondo.

“Ako po ay tumayo dahil hindi ko po masikmura ang sitwasyon ng ating mga retiradong sundalo, mga pulis at iba pang sangay ng ating armadong sektor,” ani Defensor.

Sinabi ni Defensor na nakausap nito si Department of Budget and Management (DBM) Sec. Wendel Avisado at inamin nito sa kanya na nagulat sila sa ginawa ng Kongreso na kanilang nalaman matapos na mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2021 General Appropriations Act (GAA).

Humihingi ang DBM ng P172.9 bilyon para sa pension and gratuity fund para sa 2021 subalit ang inaprubahan lamang ng Kongreso ay P152 bilyon.

“I now ask the leadership of Speaker Lord Velasco, why this happen. Paano natin pinayagan na ang pension at gratuity fund ng ating mga pulis, ng ating mga sundalo, ang mga coast guard, bureau of fire at jail guards. Bakit natin pinakialaman ang dapat nilang tanggapin pag sila ay nagretiro at ang pension nila buwan-buwan ay para sa kanilang pamilya?” tanong ni Defensor.

Kung nabawasan ang budget para sa pensyon, sinabi ni Defensor na nadagdagan naman ang pondo para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ipinaalala ni Defensor na ang pensyon ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno ay ipinangako ni Duterte at kung nalaman nito ng mas maaga ang pagtapyas sa pondo ay maaaring hindi nito pinirmahan ang GAA.

Inako naman ni House Committee on Appropriations chairperson at ACT-CIS Rep. Eric Yap ang pananagutan.

Sinabi ni Yap na bagama’t ginabayan siya ni Velasco sa paggawa ng budget ay siya ang nagdesisyon sa pagbabagong ito.

Pero sinabi ni Yap na may alam ang DBM sa ginawa nitong pagtapyas. Tiniyak din umano sa kanya ng DBM na ang aalising P20 bilyon ay hindi pa gagamitin ngayong taon.

Ayon pa kay Yap, para sa budget ng 2020 ay P70 bilyon ang ibinawas ng nakaraang liderato ng Kamara.

Upang matugunan ang kulang na pondo, nagkasundo sina Defensor at Yap na kailangang magpasa ng supplemental budget para rito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?