114

Sep 22, 2019 @ 19:25
By

Pekeng senior citizen cards! SEC nagbanta vs. nanggugulang na ‘elderly welfare club’

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa grupong nagngangalang “Senior Citizen and Elderly Welfare Club of the Philippines Inc.” (SCEW) dahil nakumpirmang nagbebenta ito ng mga card na kamukha ng senior citizen card na nilalabas ng gobyerno.

“The public is hereby advised to take the necessary precaution in dealing with Senior Citizen and Elderly Welfare Club of the Philippines Inc. or its representatives and not to believe in any of its misrepresentation that the SCEW cards may be used as discount cards and that its members may be entitled to the benefits and privileges given to senior citizens under the law,” sabi ng advisory ng SEC.

Nilalako ng grupo ang “SCEW cards” sa halagang P350 hanggang P600 sa mga taong edad 40 hanggang 59. Ang SCEW cards ay may hawig sa layout ng mga senior citizen card na iniisyu ng pamahalaan para sa mga edad 60 pataas para mabigyan ng discount at iba pang pribilehiyo.

Sa pamamagitan umano ng SCEW cards, makakukuha rin ng discount ang mga junior citizen na katulad sa natatamasang discount ng mga senior citizen.

Sabi ng SEC, walang binibigay na awtoridad ang Office of the Senior Citizens Affairs sa SCEW, na pinamumunuan ng isang Restituto Perez Jr.. Nakababahala umano dahil may 140 satellite offices na ang nasabing club sa buong bansa bunsod ng maraming naniniwala na makakukuha sila ng senior citizen discount kahit wala pa silang 60 taong gulang.

Una nang nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa SCEW nung Hunyo 2019 nang natanto ng DTI na nagbebento ito ng discount booklet para sa mga 40 hanggang 59 taong gulang para makakuha ng senior citizen’s discount.

Rehistrado ang SCEW sa SEC ngunit bilang isang non-stock corporation lamang na ang adhikain umano ay magsulong ng malusog at maayos na asosasyon ng junior citizens na 40 hanggang 59 years old. Wala rin umano sa nilagay na mga layunin nito ang mag-isyu ng membership cards para makakuha ng discount at pribilehiyo ng mga senior citizen.

Nananawagan ang SEC sa sinumang may impormasyon tungkol sa SCEW na tumawag sa Enforcement and Investor Protection Department nito sa telepono (02-818-6047).

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?