11
jailed10
By

Pekeng empleyado ng Pag-IBIG, nakorner sa Mandaluyong

Sharing is caring!

Hindi na nakaisa pang makakolekta ng salapi ang isang lalaki matapos na magpanggap na empleyado ng Pag-IBIG funds at singilin ang isang negosyante para sa mabilis na pagpapautang sa Shaw Boulevard Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.

Nakilala ang suspek na si Nelson Supetran, 29-anyos, residente ng Mabel Compound Barangay Prienza 1, Marilao, Bulacan habang itinatago sa pangalang Mrs. Viola ang biktima, nasa hustong gulang, negosyante at residente ng Robinson Homes East, Barangay San Jose, Antipolo City.

Ayon sa report ng Intelligence and Special Operation Unit ng Mandaluyong City Police, ikinasa ang entrapment operation Biyernes ng alas-2:30 ng hapon sa Pag-IBIG Building, Shaw Boulevard Barangay Addition Hills, Mandaluyong City matapos magreklamo ang isang ginang na kinikikilan na umano siya ng suspek.

Ayon kay PSSupt. Moises Villaceran, hepe ng Mandaluyong City Police, unang naganap ang transaksyon ng dalawang panig noong May 2018 ng magpakilalang empleyado ng ahensya ang suspek at inalok ng magandang serbisyo ang biktima para sa housing loan application kung saan ay interesado itong mag-loan ng pabahay.

Inalok din ang biktima na kung nais niya ng mabilis na pagproseso ng papeles ay kailangan niyang magbayad ng P40,000 na agad namang ibinigay ng biktima subalit makalipas ang ilang buwan ay wala naman umanong nangyari sa kanyang application.

Hanggang mabuking ng biktima na hindi pala empleyado ang suspek matapos nitong i-follow up sa opisina ang kanyang loan application.

Sinabi pa ng biktima na patuloy na nanghihingi sa kanya ang suspek ng karagdagang P4,000 para sa kanyang aplikasyon kaya hindi na nagdalawang isip pa ang biktima at agad na na ini-report sa pulisya ang ginawang panloloko sa kanya ng suspek.

Agad na nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya at nahuli ang suspek na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Mandaluyong detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?