33

Pekeng cosmetic products nasabat sa Maynila

Sharing is caring!

Tinatayang nasa P700,000 ang halaga ng mga pekeng cosmetic products na nasabat ng Manila Police District (MPD) sa isang buwan na surveillance ng kapulisan bago sinalakay ang anim na bodega sa Binondo, Manila.

Ayon sa Saksi, napatunayan umano na hindi rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang bagsak presyo na mga pekeng cosmetic products kaya’t sinalakay ang naturang mga bodega base sa search warrant na inisyu mula sa korte.

Ayon kay P/Chief Rosalino Ibay, hepe ng district police intel operations unit ng MPD, kinokonsiderang hazardous o delikado ang mga produktong kanilang nasabat dahil wala itong lisensiya mula sa FDA.

Dito’y pineke ang mga sikat na cosmetic brands na ang benta ng tunay na produkto ay hindi bababa sa P1,000 pero ang peke ay mabibili lamang sa P50 hanggang P100.

Ayon pa sa hepe, karamihan umano ng bumibili sa mga pekeng produktong ito ay mga kabataan at may naka-post pa umano na mga ito sa online na dapat ikabahala dahil sa masamang epekto nito sa gagamit.

Sa anim na sinalakay na bodega, apat umano ang positibong pinagtaguan ng mga kontrabando kung saan wala sa ni-rade na bodega ang may-ari umano na si Nelson Tan.

Giit ng pinsan nito, hindi umano iligal ang laman ng kanilang mga bodega.

Sa mga bodega umano sa Binondo itinatago ang mga pekeng produkto bago dalhin sa kadalasang bagsakan nito sa Divisoria at Baclaran.

Nakasuhan na ang may-ari ng paglabag sa Consumer Act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?