98

Oct 6, 2017 @ 12:00

Peace talks sa CPP-NPA, sa next president na – Duterte

Tuluyang  isinara ni Pangulong Rodrigo Duterte  ang  pintuan sa  Communist Party of the Philippines (CPP) makaraang  ihayag  na  wala  ng  magaganap na  peace  talks sa  kanyang  panahon.

Sa  kanyang  talumpati kahapon sa  58th Philippine Army Change  of  Command  ceremony sa  Fort Bonifacio, Taguig City, sinabi  ng Pangulo na ayaw  na  niyang  makipag-usap  sa  New Peoples  Army  at ipaubaya  na  niya sa  susunod  na  Presidente  ang  pakikipag-usap sa  grupo ni  Jose  Maria  Sison.

Mahigit  na  aniyang  limampung taong nakikipaglaban ang  gobyerno sa mga  komunista at  sa  kabila  ng  mga  nakalipas  na  peace  talks  ay wala  pa  ring  nangyayari.

“We are  fighting the  new peoples  army. At this stage I am not  ready to talk to them because  it is  not good  for the  country. Kung  para  lang  sa  bayan ok yan, but  the way that it is  now, ayaw  ko. And  maybe it  takes sometime to… maybe another  President  to do it,” ang  pahayag  ni Pangulong Duterte.

Batid  aniya  ni Sison na  hindi na uubra  ang  nais  nitong  mangyari  lalo pa at  matanda  na ito kaya dapat  tanggapin ang  katotohanan na hindi pinagbibigyan ang  lahat  ng  kapritso  ng  kanilang  kilusan.

“Alam mo, pagka-bata  ka pa you are  full of idealism… mayroon pang  naiwan konti na  lang.. its a full of  ideal set of  what you want the  world to be.  But when you get older, alam mo na  this  is not really  possible, that  life  is really  unfair. it ain’t  really  fair,”  ang  dagdag  na  pahayag  ng Presidente.

Matatandaang  muling  naudlot  ang  peace  talks  sa  grupo ni Sison dahil sa sunod-sunod  na  pag-atake  ng  mga  rebeldeng NPA at ito ang  nagbunsod  sa Pangulo para  pagdudahan ang  sinseridad ng  Kilusang  Komunista  na  makipagkasundo sa  pamahalaan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?