32

Dec 22, 2017 @ 14:25
By

Peace talks sa CPP-NPA-NDF, malabo pa – Lorenzana

Wala pa ring magaganap na peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.

Ito ang binigyang-diin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa kabila ng pagdedeklara ng suspension of military operation (SOMO) ng pamahalaan ngayong Kapaskuhan.

Ayon sa kalihim, si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagdesisyon na magpatupad ng ceasefire ngayong Christmas season dahil kung siya aniya ang masusunod ay ayaw niyang magdeklara ng tigil putukan.

Pero nilinaw naman ni Lorenzana, na ang ceasefire ay idineklara ng Pangulo para makapagpahinga ang mga sundalo at makauwi sa kanilang mga pamilya ngayong Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon habang maaari rin aniyang gawin ito ng mga miyembro ng NPA.

“Listening to the President no peace talks muna, the SOMO is the decision of the President, in fact hindi ako nag-recommend niyan. In fact I did not want to have it pero sabi niya bibiyan ng pagkakataon ang tropa na maka-spend ng Christmas sa families nila so that’s why we abide on the directive of the President,” sabi pa ni Lorenzana.

Ang idineklarang ceasefire ng pamahalaan ay mula alas-sais ng gabi sa Disyembre 23 hanggang alas-sais ng gabi ng Disyembre 26 at mula alas-sais ng gabi sa Disyembre 30 hanggang alas-sais ng gabi ng Enero 2, 2018. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?