72

Jun 22, 2018 @ 17:23
By

Peace talks matutuloy sa kabila ng negatibong pahayag ni Sison – AFP

Tuloy ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Siniguro ito ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo sa harap ng pahayag ni CPP founding chairman Jose Maria Sison na hindi na interesado ang pamahalaan sa seryosong peace negotiations.

Ito ay matapos ang ilang beses nang pagkaantala ng peace talks at ang pinakahuli ay ang pagsuspendi ng gobyerno sa backchannel talks sa pagitan ng CPP-NPA-NDF.

Kaya para kay Sison, wala nang pagpipilian ang NPA at mga Filipino kundi makipaggiyera upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.

Pero sinabi ni Arevalo, hindi nila alam kung ano ang pinagbatayan ni Sison sa mga pahayag nito.

Sa katunayan aniya, mas marami ngayon ang sumusukong NPA.

“We do not know where Mr. Sison derives his temerity to make such a threat when members of the terrorist NPA continue to surrender in droves in the face of the AFP’s tactical, intelligence, and civil-military operations that enjoy the support of the Filipino people,” sabi ni Arevalo.

Sa kasalukuyan, nakatutok lamang ang AFP sa mga aktibidad na may kinalaman sa pagsulong ng usapang pangkapayapaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?