By

PDu30 ‘di magtatatag ng revolutionary gov’t – Cayetano

Sharing is caring!

Walang plano si Pangulong Duterte na magtatayo ng revolutionary government kahit ilang beses nang ito nagbanta, ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Cayetano na sa mga pagpupulong ng gabinete at ng security cluster nito, hindi ni minsan binanggit ng Pangulo ang revolutionary government.

Nabanggit lang aniya ito ng Pangulo dahil dismayado o frustrated dahil maraming gustong gawin at ginagawa para sa bansa pero laging may kumokontra at laging ang negatibo ang nakikita,

“It’s not even a threat, it’s his feeling, his frustration that he wants the best for the country but some people act on their own interest,” pahayag ni Cayetano.

Nitong nagdaang Sabado, sinabi ni Pangulong Duterte na magdedeklara siya ng revolutionary government kapag hindi siya tinigilan ng mga makakaliwa at mga taga-oposisyon at kapag pinagtangkaan siyang patalsikin,

Ayon kay Cayetano, sineseryoso nila lagi ang mga sinasabi ng Pangulo pero huwag aniya iyong laging ituring na literal dahil may paraan ang pangulo ng pagpaparating ng mensahe.

Nakakatulong naman aniya ang paraan ng pagsasalita ng pangulo dahil marami ang nakakalampag at napapakilos.

Ginawang halimbawa ang ilang malalaking negosyante na napilitang magbayad ng buwis nung takutin ng pangulo.

Kung malamyang magsalita ang pangulo, sinabi ni Cayetano na tiyak na hindi nagkusang magbayad ng buwis ang mga tax evader at gumamit na sila ng sari saring technikalidad para makaligtas sa bayaring buwis.

“Take him seriously kung ano objective but don’t always take literally yung kanyang solusyon,” pahayag ni Cayetano. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?