109

Dec 4, 2021 @ 19:28
By

PDP-Laban Pimentel faction may ‘Balik PDP-Laban Program’

Bubuksan umano ni Senador Koko Pimentel ang tinatawag niyang ‘Balik PDP-Laban Program’ na siyang makakatulong para makabalik sa kanilang grupo ang mga miyembro ng partido na niloko at tumawid sa paksyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Matatandaang ang noo’y iisa na PDP-Laban ay nagkahiwalay ng sipain si Senador Manny Pacquiao bilang party president at ipalit si Cusi.

Bukod kay Cusi, naglagay pa ng ibang mga opisyal ang kabilang paksyon.

Ngunit ayon kay Pimentel, na parte ng paksyon ni Pacquiao, handa silang tanggapin muli ang mga natangay ng panloloko nina Cusi.

“Ang gagawin namin, pero doon lamang ito sa mga talagang, ‘yung parang feeling nila namislead sila, parang naloko sila, meron kaming ‘Balik PDP-Laban Program.’ Pero doon sa mga leaders talaga ng power-grabber o breakaway group, hindi na po open ito sa kanila,” pahayag ni Pimentel sa panayam ng DWIZ ngayong Sabado.

“Pero doon lang po sa mga nalihis, nagkamali ng desisyon dahil napangakuan na ito ang linya natin, o sige follow the leader lang kami, namislead kami. Mayroon po kaming ‘Balik PDP Laban Program’ para sa kanila,” dagdag pa niya.

“Para ito sa mga naisyuhan ng CONA (certificate of nomination and acceptance) na PDP-Laban, para lang ma-legitimize na rin ang pagtakbo nila, kasi baka maquestion pa ‘yan. Dadaan sila sa proseso. Aayusin ‘yung pwede maayos,” saad pa ng mambabatas.

Habang ang paksyon nina Pimentel ay may pambato sa pagkapangulo at pangalawang pangulo sa katauhan nina Pacquiao at Lito Atienza, bakante naman ang standard-bearer ng grupo nila Cusi matapos umatras si Senador Bong Go.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?