273

By

PDP-Laban, ayaw ng guest candidates sa 2019 elections

Nais ni House Speaker Pantaleon Alvarez na gawing eksklusibo sa mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang senatorial slate nito sa 2019 elections.

Katuwiran ni Alvarez, sa daming gustong tumakbo sa ruling party ay hindi na nila kailangan ng guest candidates.

Paliwanag pa ng Speaker, hindi naman makakapag-commit ang guest candidates sa mga isinusulong ng partido at ng Pangulo.

“Mayroon tayong isinusulong na partido. Ngayon, kung guest candidate ka lang, hindi ka committed sa party, doon sa mga advocacy ng party, doon sa advocacy ng ating Pangulo,” ayon kay Alvarez.

Sinabi ni Alvarez na para sa mga gustong lumahok sa senatorial slate ng PDP-Laban, kailangan munang maging kasapi sila ng partido.

Kaugnay nito’y magpapatakbo raw siya ng mga kandidato na tiyak na magtatrabaho sa Senado para bumilis ang pagproseso sa mga panukala sa Mataas na Kapulungan.

Ito aniya ang dahilan kaya itinutulak niya sina Senate President Aquilino Pimentel III, Deputy Speaker Pia Cayetano, Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, Bataan Rep. Geraldine Roman at Davao City Rep. Karlo Nograles. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?