54

By

PDEA pasok sa imbestigasyon sa panununog sa planta ng Abante

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang buo nilang kooperasyon sa isinasagawang pagsisiyasat sa nangyaring pagpasok at panununog ng apat na kalalakihan sa planta ng Abante at Abante Tonite sa Parañaque City.

Nitong Biyernes tinanggap ni PDEA-National Capital Regional Acting Deputy Atty. George Alcovindas ang kopya ng CCTV footage kay Circulation Manager Jhun Mallen na kuha noong Setyembre 17 ng alas-8:18 ng gabi sa planta sa Vitalez Compound, Barangay San Isidro.

Mariing itinanggi ni Atty. Alcovindas na tauhan nila ang tatlong nagpakilalang PDEA agent na nagtungo sa nasabing tanggapan matapos nitong mapanood ang CCTV footage.

“Sa aking pagnood ng CCTV footage ay wala po kaming ganyan na tauhan, peke po ang mga iyan,” ani Atty. Alcovindas.

Bagama’t aniya na kanilang itinanggi na hindi nila tauhan ay magsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon at makikipagtulungan sa Parañaque City Police, na humahawak sa kaso.

Sinabi ng opisyal na maraming nagpapanggap na tauhan ng PDEA.

“Pag may operasyon o bineberipika ang isang agent ng PDEA ay nakasuot ng uniporme at may nakasabit po na ID” ani Alcovindas.

Samantala, ayon naman kay Parañaque City Police Chief Police Col. Robin Sarmiento, tatlong security guard at dalawang empleyado ang nakapagbigay na ng statement at computerized composite sketch para sa itsura ng mga salarin.

“Hinihintay lang po namin ‘yun sa cyber crime sa Camp Crame sa pagsusuri nila sa CCTV kasi medyo malabo ang kuha nito,” ani Sarmiento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?