99

Dec 16, 2017 @ 16:34
By

PDEA bibili ng 100 detection dogs sa kampanya kontra droga

Upang mas higit na mapaigting pa ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga, partikular na ang pagharang sa mga narcotics na ipinupuslit sa mga cargo terminals sa buong bansa, plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na bumili ng may 100 drug-sniffing canines.

“PDEA is expected to acquire an additional 100 NDDs (narcotic detection dogs) in 2018 with training worth P500,000 for each dog,” ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino.

Iniulat ni Aquino na sa kasalukuyan, ang PDEA K-9 unit ay mayroong 52 NDDs at 57 handlers sa 17 rehiyon sa bansa.

Inianunsiyo ni Aquino ang planong pagbili ng mga sniffing dog kasunod na rin ng pakikipagpulong nito sa foreign express delivery at domestic courier services nitong Biyernes, bunsod ng pagkakakumpiska ng mga shabu, cocaine at ecstasy, na nadiskubreng nakatago sa mga package na ipinapasok sa Pilipinas.

Nagkasundo naman umano si Aquino at ang mga may-ari ng mga naturang delivery at courier services na magtulungan upang maharang at mahuli ang mga iligal na droga na tinatangkang ipuslit sa bansa.

Sinabi ni Aquino na dahil sa mahigpit na kampanya ng pamahalaan iligal na droga ay gumagawa na ng iba’t ibang paraan ang mga drug syndicate upang maipagpatuloy ang kanilang iligal na aktibidad, tulad ng paggamit ng mail at parcel system upang ibiyahe ang mga narcotics sa bansa, na hindi madaling matutukoy kung sino ang nasa likod nito.

Tiniyak naman ni Aquino na maging sila ay humahanap rin ng mga paraan upang hindi makalusot ang anumang mga bagong modus operandi ng mga drug syndicate, tulad ng paggamit ng K-9 dogs at mga X-ray machines.

Hiniling na rin umano nila sa mga naturang ahensya na bigyan sila ng isang maliit at secured na silid para sa pag-inspeksyon ng mga kahina-hinalang parcel na posibleng naglalaman ng iligal na droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?