308

Nov 30, 2017 @ 16:59
By

PDEA agents makiki-sex party sa sindikato ng ‘ecstasy’

Nagpakalat na ng mga tauhan ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga kilalang clubs, bars, stand-up comedy bars at mga hotels sa Metro Manila, upang magsagawa ng ‘surveillance’ laban sa mga sindikato na nagbebenta ng likidong ‘ecstasy’ na tinaguriang ‘club drugs, sex party at date rape.’

Ayon kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, sa patuloy na isinasagawa nilang operasyon ay nag-deploy na siya ng mga tauhan sa mga nasabing establisiyimento upang madakip pa ang mga tulak ng likidong ecstasy, shabu, at gamma hydroxybutyrate (GHB), at mailigtas naman sa tiyak na kapahamakan ang mga bagong bibiktimahin nito.

Binigyang-diin ni Aquino, na ang bagong droga na GHB ay mas kilala bilang ‘club drug’ o ‘date rape’ drug na kalimitang ginagamit ng mga kabataan sa mga bar, rave parties, at clubs at kadalasang hinahalo sa mga nakakalasing na inumin.

Aniya, euphoria, increased sex in drive at tranquility ang mga epekto ng pagkonsumo sa GHB, at itinuturing ngayon na isang delikadong droga na sa dalawang patak lang sa inumin ay makakaramdam na ng libido ang bawat indibidwal na makainom nito at maghahanap na ng ka-sex, lalaki man o babae at sabay-sabay na magtatalik.

“Naka-deploy na ang mga tauhan ko sa mga sikat na bars, clubs at hotels para manmanan ‘yang mga sindikatong ‘yan na walang awang nambibiktima ng mga kabataan, propesyunal, mga artista at mayayamang kolehiyala. Delikado kasi ‘yang GHB na ‘yan. Kahit na-rape na ang isang babaeng nakainom ng may halong GHB, wala siyang maaalala ‘pag nawala na ang epekto ng droga at magtataka na lamang siya kung bakit nananakit ang katawan n’ya. Tapos hahanap-hanapin na niya ‘yung droga kaya magiging kliyente na rin siya ng mga sindikato, ” paliwanag ng opisyal ng PDEA.

Maliban sa mga nabanggit na establisiyimento, una nang binanggit ni Gen. Aquino na kania na ring minamanmanan ang mga taga-showbiz na nasa phonebook ng nahuling aktor na si Malik Coronel na nagtutulak ng ‘ecstasy’, na labas-masok sa mga malalaking television network dahil malaki umano ang posibilidad na kliyente ang mga ito sa isinasagawang ‘sex party’ sa kilalang mga hotel sa Metro Manila.

Magugunitang nakumpiska kay Coronel ang cellphone nito at doon ay nakita nila na karamihan ay mga artista ang nasa phonebook nito na posibleng kabilang sa mga binebentahan ng ecstasy, subalit tumanggi itong banggitin ang mga pangalan ng celebrities upang hindi masunog ang kanilang operasyon.

“Under surveillance sila (celebrities) at kapag nahuli naman sila na kabilang sa mga isinasagawang sex party sa mga hotel ay hindi kami mangingiming arestuhin sila, ” pahayag ni Gen. Aquino. Si Coronel umano ay dating aktor subalit ng mawalan ng pelikula ay nag-alok na lamang ng ecstasy sa mga kilalang artista.

Kasamang nadakip ni Coronel, na pawang nakasuot na lamang ng brief sina Edmund Remegio, modelo; Manuel Valdes, 34; insurance agent; Jake Tolentino, 33; insurance claims processor; Jose Carlo Torres, 38, engineer; Mario Aclan, 27, make-up artist; Angelo Padasas, 28, officer staff; Jevel Ucero, 22, estudyante; Carlo Kasala, 25, physician; Legui Brylle Gonzales, 28, account manager; at Bryan Dizon, 20, software developer.

Ang mga nabanggit ay naaresto sa kalagitnaan ng isinasagawang sex party ng mga operatiba ng PDEA Special Enforcement Service (PDEA-SES), na pinamumunuan ni Director Levi Ortiz, sa loob ng Room 609 ng Seda Hotel, Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Ang mga nadakip ay kinasuhan ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (Conspiracy to Sell), Section 5 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Section 15 (Use of Dangerous Drugs). (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?