184

By

PDEA agent natagpuang patay matapos makipagkita sa tipster

Isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naiulat na nawawala ang nakitang wala nang buhay sa Lupi, Camarines Sur, gabi ng Pebrero 18.

Ayon sa inisyal na report, bago natagpuang patay si Enrico Barba, assistant provincial officer ng PDEA sa Camarines Norte Provincial Office, ay nakipagkita umano ito sa impormante sa Daet noong Linggo.

Pero hatinggabi ng Lunes ay iniulat na nawawala na si Barba.

Ipinaalam umano ng biktima ang pakikipagkita nito sa tipster kay Provincial Officer Agent Vidal Bacolod.

Dakong alas-otso ng gabi nang makatanggap ng report hinggil sa bangkay ni Barba na nakita sa bayan ng Lupi.

Nakitaan umano ang bangkay ni Barba ng maraming tama ng bala sa mukha at katawan.

Lumabas din sa awtopsiya na may mga pasa sa harapang bahagi ng katawan ang biktima at head injury.

Naglunsad na ng imbestigasyon ang kapulisan upang papanagutin ang pumatay kay Barba.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?