38

By

PDEA: 770 menor de edad, nasagip sa iligal na droga

Sharing is caring!

Tinatayang nasa kabuuang 770 minors ang nailigtas sa paggamit at pagtutulak ng iligal na droga ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang drug operation sa buong bansa.

Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino, isang seryosong problema ang pagdami ng bilang ng mga kabataan na nasasangkot sa pagtutulak at mismong paggamit ng iligal na droga.

Batay sa rekord ng PDEA, mula noong Hunyo 2016 hanggang ngayong buwan ay aabot na sa 770 na kabataan ang kanilang nailigtas.

Sa nasabing bilang ay 182 ang pawang mga gumagamit ng iligal na droga habang ang 588 naman ay nagtutulak.

Isa sa pinakabatang nasagip ng PDEA ay isang 6-anyos na drug runner mula sa Cotabato City kaya isinusulong nito ang pagsasagawa ng drug testing sa mga kabataan lalo na sa mga nasa Grade 4 pataas.

Karamihan sa mga na-rescue ng PDEA ay nasa edad 10 hanggang 17 na mismong mga magulang at kamag-anak ng mga nabanggit na kabataan ang siyang nasa likod ng pagtutulak ng bawal na gamot.

Kasabay nito, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang PDEA chief dahil marami ang tumutol sa kanyang panukala, at nanguna pa rito ang pamunuan ng Department of Education, iba’t-ibang sektor at ilang mambabatas.

Dahil dito ay isinantabi na muna ng PDEA ang kanilang hangarin na magkaroon ng mandatory drug testing sa mga batang mag-aaral at ipopokus na umano muna nila ang patuloy na operasyon laban sa drug pushers at drug lords.

Pinasalamatan naman ni Aquino ang mga grupo at indibiduwal na nagpahayag ng suporta sa kanyang panukala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?