8,491

Jan 3, 2018 @ 11:56
By

PCSO naglabas ng ebidensiya vs Sandra Cam, Atong Ang

Inilabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang isang picture ng pagdalaw nina jueteng whistleblower Sandra Cam at gambling operator Atong Ang kina PCSO Chairman Jose Corpuz at PCSO General Manager Alex Balutan.

Sa picture makikita si Ang habang kausap sina Corpuz at Balutan.

Sinabi ni Balutan na sinamahan ni Cam si Ang sa kanilang opisina at ang pag-uusap ay naganap Setyembre 2016 o ilang buwan nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Dagdag pa ni Balutan, inilabas nila ang picture para pabulaanan ang sinasabi ni Cam na hindi pa niya nakaharap ang dalawang opisyal ng PCSO.

Ibinahagi rin ni Balutan na sa pulong ay inalok nina Cam at Ang ang kanilang serbisyo na patakbuhin ang Small Town Lottery sa buong bansa kapalit ng bahagi nila na P200 milyon kada buwan sa kita ng naturang sugal.

Ayon kay Balutan agad nilang inayawan ang alok nina Ang at Cam.

Ngayon hindi nagkakasundo ang dalawang opisyal ng PCSO at si Cam dahil sa paninira sa kanilang ahensiya. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?