73

Dec 20, 2017 @ 15:45
By

PCSO nagbigay ng P10-M calamity fund para sa ‘Urduja’ victims

Naalarma ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nasawi sa Visayas Region kung kaya agad itong nagpalabas ng P10 milyong calamity fund bilang ayuda sa mga nasalanta ng pagbayo ng bagyong Urduja.

Sa tulong ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na siyang nagmo-monitor ng bilang ng mga naapektuhan at nasawi ay umabot na sa 40 katao at mahigit 20 pa ang nawawala.

Batay sa report, matinding natamaan ng landslides at flashfloods ang mga probinsiya ng Samar, Leyte partikular na ang Biliran na kung saan marami ang napabalitang nasawi at nawawalang mga residente.

Ayon kay PCSO Chairman Jose Jorge Corpuz, agad nilang inaprubahan ang pagpapalabas ng P10 milyong pondo para sa agarang pagbili ng mga gamot, tubig at iba pa para sa mga nasalanta ng bagyo.

Paliwanag naman ni PCSO General Manager Alexander Balutan, mayroon silang taunang calamity fund na nagkakahalaga ng P100 milyon kung kaya may nakalaan pang pondo ngayong Disyembre na maaaring magamit para sa nasalanta ng bagyo.

Samantala, nagbukas kamakailan ng PCSO branch office sa Biliran upang mas mapalapit at mapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa mga naapektuhan ng bagyo kabilang na dito ang pagbibigay ng medical services and health programs.

Bukod sa Biliran, mayroon nang PCSO branch offices sa Tacloban City, Leyte; Calbayog City sa Western Samar; Maasin City, Southern Leyte; at Catarman, Northern Samar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?