180

Dec 18, 2017 @ 21:32
By

PCSO employee na nagnakaw ng P24K collection, kulong

Kulong ang isang empleyado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) small town lottery Mendez Outlet, sa pang-uumit ng halagang P24,000 na koleksiyon sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) District Special Operations Unit (QCPD-DSOU) chief, P/ Supt. Rogarth Campo ang suspek na si Teodolo Marasigan, 24-anyos at residente ng Brgy. Sangandaan.

Sa report, dakong alas-5:30 ng Linggo ng hapon (December 17, 2017) nang maaresto ang suspek ng mga awtoridad sa No. 12 Benefit St., GSIS Village, Brgy. Sangandaan.

Batay sa pahayag sa pulisya ni Ronelio Malabanan, area auditor ng nasabing PCSO small town lottery outlet, kinompronta umano niya si Marasigan matapos na magkulang ng P24,000.00 ang koleksiyon nito.

Noong una ay mahigpit pa ang pagtanggi ni Marasigan na ninakaw niya ang nasabing halaga subalit umamin din ito.

Aniya, nais lamang niya na mabigyan ng masaganang Pasko at Bagong Taon ang kanyang pamilya kaya niya nagawa ang pang-uumit.

Dahil dito binitbit nina Roland Banayug, table manager at Malabanan ang suspek sa himpilan ng pulisya at ipinakulong saka kinasuhan ng qualified theft. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?