127

Jan 18, 2018 @ 22:15
By

PCSO controversy, pinaiimbestigahan sa Kamara

Naghain na ng resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara para paimbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian at anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa House Resolution No. 1599, pinakikilos ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan in aid of legislation ang umanoý maling paggastos ng pondo ng PCSO.

Partikular dito ang P9.8 milyon na sinasabing ginastos sa Christmas party sa EDSA Shangri-La Hotel noong Disyembre 19 at ang paglalaan lamang ng ahensiya ng P2 bilyon para sa charity fund mula sa P18 bilyon na kita sa Small Town Lottery (STL).

Gayundin ang umanoý pagdedeklara ng STL operators ng 15-20% lamang na actual revenues at ang 80% nito ay ginamit na payola sa matataas na opisyal ng PCSO. Kumuha rin umano ang chairman at general manager ng kanilang mga anak bilang staff at consultants.

Matatandaang inakusahan naman ni PCSO General Manager Alexander Balutan si board member Sandra Cam na ginamit ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang bumisita ito at ang gambling operator na si Charlie ‘Atong’ Ang sa PCSO noong 2016 para mag-lobby sa ahensya na payagan si Ang na patakbuhin ang STL sa buong bansa. Nag-alok pa umano ito ng P200 milyon kada buwan.

Ayon sa grupong Makabayan, ang mga akusasyon ng matataas na opisyal ng PCSO ay paglabag sa kanilang mga mandato bilang public officials.

“While these PCSO officers and executives are fighting for their respective turfs, the indigents whom they are supposed to fully serve are suffering,” saad sa resolusyon. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?