419

Oct 20, 2017 @ 16:50

PCSO: 44 naging milyonaryo sa lotto

Nakapagtala ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng 44 na milyonaryo sa loob ng siyam na buwan ngayong taon pagkatapos manalo ang mga ito sa larong lotto at naghati sa kabuuang halaga ng jackpot prize na 2.2 bilyong piso.

Ayon kay General Manager Alexander Balutan, mula Enero hanggang Setyembre ay mayroon nang 44 na mananaya ng lotto mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang maswerteng nakabingwit ng jackpot prize, pagkatapos mahulaan nang mga ito ng tama ang 6 number winning combination.

Nanguna sa listahan ang Lotto 6/42 sa dami ng nanalo ng jackpot na nakapagtala ng 16 winners, at naghati ang mga ito sa kabuuang halaga na P319 milyon, ang Mega Lotto 6/45 ay may 9 na nanalo na nagkakahalaga ng P460 milyon, Super Lotto 6/49 na may 8 winners na nagkakahalaga ng P495 milyon, ang Grand Lotto 6/55 na may 6 winners at naghati sa kabuuang halaga na P444 milyon, habang ang Ultra Lotto 6/58, ang pinakamalaking lottery game na meron ang PCSO ay nakapagtala ng 5 winners na nagkakahalaga ng P542 milyon.

“Para sa bawat taya na gagawin mo, para sa bawat P20 na halaga ng tiket sa lotto na iyong ginagastos, P6 mula sa presyo ng tiket na iyon ay napupunta sa mga serbisyong kawanggawa ng ahensya,” paliwanag ng general manager.

Ayon kay Balutan na sa pamamagitan ng pagtaya ng mga tao sa lotto ay nakakalikom ang ahensya ng dagdag pondo na ginagamit para sa mga programang pangkalusugan tulad ng Individual Medical Assistance Program (IMAP), na itinutulong nila sa mga taong may mga karamdaman.

Ang PCSO lotto draw ay live na mapapanuod sa People’s Television tuwing alas 9 ng gabi. Ang mga manlalaro ay pumipili ng 6 winning number combination (sa anumang pagkakasunud-sunod) upang magkaroon ng pagkakataon na manalo sa jackpot prize na maaari nilang i-claim sa head office ng PCSO sa Mandaluyong City.

“Ang mga larong lotto ng PCSO ay narito upang maghatid ng totoong layunin, ang matulungan ang mga nangngailangang Pilipino sa pamamagitan ng mga serbisyo at programang kawanggawa ng goberyno. Kami ay masaya sa tuwing may isang tao na nananalo sa alinman sa aming mga lotto games, dahil tiyak na mapapabuti nito ang kanilang buhay mula sa kahirapan, ” pahayag ni Balutan.

Kamakailan ay sinabi ni Balutan na ang mga laro ng PCSO ay nakatuon sa responsableng paglalaro upang matiyak na protektado ang mga tao mula sa masamang bunga ng pagsusugal na maaaring humantong sa pagkagumon. (Vic Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?