By

PCGG ayaw ipabuwag ng mga senador

Sharing is caring!

Mariing tinutulan ng mga senador ang pagpapabuwag ng Kamara sa Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Ayon kay Senador Bam Aquino, sa halip na buwagin, dapat pa ngang palakasin ang PCGG upang mabawi ang lahat ng umano’y nakaw na yaman ng pamilya Marcos.

Ipinaalala na matagumpay na nabawi ng PCGG ang $3.6 bilyon o P170 bilyon mula sa tinatayang $10 bilyon na ill-gotten wealth ng pamilya.

Ang nabawing salapi ay ginagamit sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sa tingin ni Aquino, ang pagpapabuwag sa komisyon ay bahagi ng plano na baguhin ang kasaysayan pabor sa mga Marcos na kaibigan ni Pangulong Duterte.

Ayon naman kay Senate minority leader Franklin Drilon, bago buwagin ang PCGG, dapat maipakita muna na may ibang ahensiya na maaaring umako sa mga trabaho nito.

Sa botong 162 pabor at 10 tutol, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 7376 na nagpapabuwag sa PCGG pati na sa Office of the Government Corporate Counsel.

Planong ibigay sa Office of the Solicitor General ang trabaho ng dalawang ahensiya.

Sinabi naman ni Senador Richard Gordon, ieendorso ng kaniyang pinamumunuan na committee on government corporations ang pagpapalakas sa OSG pero hindi niya ipabubuwag ang PCGG dahil kailangan pa umano para mahabol ang Marcos wealth.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?