67

Dec 13, 2017 @ 15:14
By

PCG, SKCG nagpalitan ng kaalaman sa technical diving

Mas pinaigting pa ang ugnayan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng South Korean Coast Guard (SKCG) matapos ang isinagawang kauna-unahang joint maritime search and recovery training ng mga ito.

Dinaluhan ng PCG-Special Operation Forces at ng South Korea Coast Guard Special Rescue Team ang nasabing pagsasanay na nagsimula noong ika-4 ng Disyembre na isinagawa sa Anilao Camper sa Mabini, Batangas.

Ayon kay Coast Guard spokeperson Capt. Armand Balilo, nagpalitan ng kaalaman sa larangan ng technical diving ang dalawang grupo kung saan isinagawa din ang ilang bahagi ng training ng pagre-rescue sa pamamagitan ng World War II shipwreck o mga nakalubog at makasaysayang mga barko sa Subic Bay sa Zambales tulad ng USS New York shipwreck at El Kapitan shipwreck.

Ayon naman sa mga operatiba ng South Korea Coast Guard Special Rescue Team, isang napakagandang pagkakataon na makasama sa training sa larangan ng technical diving at search and recovery ang PCG na may malawak na kasanayan at karanasan.

Tinatanaw pa rin anila ng tropa ng South Korea na utang na loob ang iniambag ng mga Pinoy noong panahon ng Korean war kung saan tumulong sa kanila ang mga Filipino.

Maliban dito, binabalangkas na rin ang isang memorandum of agreement para sa lalo pang pagpapalakas ng kooperasyon at ugnayan ng PCG at South Korean Coast Guard. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?