180

Dec 27, 2017 @ 14:30
By

PCG sinugod sa nawawalang crew ng lumubog na bangka

Napasugod sa Philippine Coast Guard (PCG) ang mga kamag-anak ng ilan pa sa mga nawawalang crew ng 26 fishing boat na lumubog sa Balabac, Palawan matapos na hampasin ng malalaking alon dahil sa bagyong Vinta noong Disyembre 23.

Pawang mga taga-Malabon at Navotas ang mga mangingisdang sakay ng mga fishing boat na lumubog.

Isa sa nagtungo sa PCG Headquarters sa Maynila ay si Herna Jarina para personal na umapela sa PCG na hanapin ang kanyang kapatid na si Elvis Jarina at tatlong pinsan.

Base sa mga pahayag ng mga kamag-anak, tinatayang nasa higit 100 pa ang mga nawawala.

Pero ayon kay PCG spokesman Capt. Armand Balilo, kanila pang beniberipika ang bilang na ito.

Ang kinukumpirma pa lamang ngayon ng PCG ay 71 ang nailigtas at dalawa ang narekober na bangkay.

Nagtago ang 26 fishing boat sa may Mangsee Island sa Balabac, Palawan noong kasagsagan ng bagyong Vinta pero tinangay pa rin sila hanggang sa may Mapun Island sa Tawi-Tawi.

Sa ngayon ay tumutulong na ang Philippine Navy sa paghahanap sa nawawalang mga mangingisda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?