66

Dec 12, 2017 @ 15:59
By

PCG, ilalagay sa heightened alert para sa holiday season

Ilalagay ng Philippine Coast Guard (PCG) sa heightened alert ang buong puwersa nito simula Disyembre 18, 2017 hanggang Enero 8, 2018 kasabay ng ilulunsad at pagpapairal ng ‘Oplan Biyaheng Ayos: Krismas 2017’.

Layunin nito na tiyakin ang kahandaan ng PCG sa inaasahang pagdagsa ng mga bibiyahe sa panahon ng Kapaskuhan.

Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba si PCG Officer-in-Charge Commodore Joel Garcia sa lahat ng mga coast guard unit na panatilihin ang mataas na antas ng kahandaan at pagiging alerto sa lahat ng mga pier sa buong bansa, mga beach, at sa mga coastal at island resorts.

Dapat din umanong maging handa ang mga miyembro ng PCG sa pagtugon sa mga insidente sa karagatan o mga maritime emergency.

Nagpalabas na rin umano si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ng kautusan na higpitan ang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga pasahero at mga bagahe.

Pinapayuhan din ng PCG ang lahat ng mga pasahero na dumating sa pier tatlong oras bago ang oras ng kanilang biyahe.

Ang mga bata ay dapat din umanong pag-ingatan ng mga magulang o kasamang nakatatanda, at iwasan din ang pagdadala ng mga bagay na ipinagbabawal kagaya ng flammable liquid, toxic at infectious substances, compressed gases, radioactive materials at mga pampasabog para maiwasang maantala ang biyahe.

Hihigpitan din ng PCG ang pag-iinspeksyon sa posibleng mga iligal na droga na maaaring ibiyahe sa dagat.

Bilang bahagi pa rin ng ‘Oplan Biyaheng Ayos’, magtatayo rin ang PCG ng mga Passenger Assistance Center booths sa mga pier na tatauhan ng mga miyembro ng PCG, DOTr, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard Auxilliary, lokal na pamahalaan at ng pulisya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?