39

Nov 3, 2017 @ 14:20

PCG, alertado na sa ASEAN Summit

Tututukan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang seguridad para sa nalalapit na ASEAN Summit sa bansa na magaganap sa ikatlong linggo ng Nobyembre ng taong kasalukuyan.

Dahil dito, hindi na ibababa ng PCG ang ipinatutupad na mataas na alerto para masiguro ang ligtas at maayos na sitwasyon sa mga baybayin sa bansa sa panahon ng ASEAN Summit.

Paliwanag ni Captain Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, kung anong alerto na ipinatutupad nila ngayon sa Lanao Lake bilang bahagi ng seguridad kontra terorismo ay siya ring paiiralin nila sa pagtitipon ng mga ASEAN leaders.

Bukod aniya sa pagpapatrolya ng kanilang mga floating assets sa Manila Bay ay magpapatupad ng 500 meters na “no sail zone” mula sa shoreline o pagbabawal ng anumang paglalayag ng ibang bangka o anupamang sasakyang pandagat na walang kinalaman sa ASEAN sa Manila Bay.

Gagamitin ng coast guard ang kanilang mga rescue vessel at multi role response vessel. Bukod pa ito sa kanilang mga aluminum at rubber boats.

Katuwang din ng PCG ang anti- terrorism unit-special operations group kung saan makakasama rin nila ang presidential security group.

Ngayon pa lamang ay inaabisuhan na ng PCG ang mga mangingisda mula sa Cavite at Malabon-Navotas area na iwasan ang bahagi ng Manila Bay lalo na mula sa bahagi ng coast guard headquarters hanggang sa bukana ng Cavite area. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?