97

Jul 21, 2021 @ 18:56
By

PCC palalakasin para makalaban sa kartel

Inaprubahan ng House Committee on Economic Affairs ngayong Miyerkoles ang panukala na palakasin ang Philippine Competition Commission (PCC) upang malabanan ang mga kartel na nagpapataas umano ng presyo ng bilihin.

Ayon kay Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, lider ng technical working group, ang inaprubahang panukala ay binalangkas mula sa House Bill 5906 na akda ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo at House Bill 6243 ni AAMBIS-OWWA Rep. Sharon Garin na kapwa naglalayong amyendahan ang Philippine Competition Act (RA 10667).

Ayon kay Quimbo, kailangang palakasin ang PCC upang mapalakas ang enforcement power nito at makalaban sa mga kartel.

“Napakaraming alleged kartel na sinasabi sa ating economy nandyan yung rice cartel, onion cartel, garlic cartel baka din merong cartel sa pork…. at napaka-important na tugisin ang mga kartel na yan because if we don’t, prices of basic commodities will remain high,” sabi ni Quimbo.

Sa inaprubahang panukala, palalakasin ang PCC upang mahabol nito ang mga kompanya na mayroong anti-competitive conduct na nagreresulta sa pagmahal ng produkto o serbisyo.

Sinabi ni Quimbo na babantayan din ng PCC ang merger ng mga kompanya upang matiyak na hindi ito magreresulta sa mas mahal na bayarin ng mga konsyumer dahil maaaring malusaw ang kompetisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?