202

Oct 26, 2017 @ 10:54

PBA: May Plan B ang SMB

Handang baguhin ng SMB ang kanilang trade offer sa Kia sakaling hindi aprubahan ni PBA Commissioner Chito Narvasa ang unang ikinasa.

Base sa mga ulat, binigay ng Picanto ang rights sa No. 1 pick overall sa San Miguel Beer kapalit ng ilang players. Ipapalit dito ang ilang players ng Beermen.

Nasa lamesa na ni Narvasa ang mga papeles ng proposed trade, hihintayin na lang kung ia-approve o tatablahin ng Commissioner ang trade.

Sakaling hindi makalusot kay Narvasa ang kasalukuyang package, mayroon pa umanong ibang ihahain ang SMB.

“Meron pa ngang isa pang nakahandang offer na kahit sino pa sa San Miguel roster, huwag lang ‘yung core nila (June Mar) Fajardo, (Chris) Ross, (Arwind) Santos, (Alex) Cabagnot and (Marcio) Lassiter,” anang isang source na hindi nagpabanggit ng pangalan. “Basta kahit sino at ilan, maliban nga doon sa lima, handang ibigay matuloy lang ang trade at ma-approve ni Kume (Narvasa).”

Si 6-foot-8 Fil-German Christian Standhardinger ang namumurong ma­ging top pick sa PBA Draft sa Oct. 29 sa Robinsons Place sa Maynila.

Umalma ang ibang teams sa posibilidad na mapunta sa SMB si Standhardinger, gayong napakalakas na ng Beermen.

May PBA Board meeting ngayong tanghali, at inaasahang ilulutang ng ilang governors ang diskusyon hinggil sa pro­testa ng ibang teams sa trade. Mabibig­yan din ng pagkakataon na magpaliwanag ang Kia at SMB.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?