54

PBA Legends Face-Off didribol

Matapos ang matagumpay na Return of the Rivals basketball tournament noong Pebrero, didribol naman ang UNTV Cup PBA Legends Face-Off sa Hunyo 2 sa Pasig City Sports Center.

Ang isang buwang tournament na ito ay katatampukan ng mga rival team noon sa PBA sa pagitan ng Ginebra at Purefoods at ng San Miguel at Alaska.

Ang premyong P2 million sa magkakampeon ay mapupunta sa PBA Legends Foundation.

Ito na ang ikaapat na beses na nag-host ng ganitong klaseng torneo ang UNTV – na ang unang beneficiary nila ay si Samboy Lim ng San Miguel Beer.

Nagbigay ng P1 million si UNTV Cup founder Daniel Razon sa foundation bilang tulong sa mga dating professional basketball players na may karamadaman.

Matapos ang isang taon ay naglungsad naman kauna-unahang PBA Legends Charity Golf Tournament at noong nakaraang taon ay nagbigay tulong sa dating SMB at Welcoat player na si Joey Mente at former Crispa guard Johnny Revilla.

Ibabandera ng San Miguel sina Allan Caidic, Ato Agustin, Dondon Hontiveros, Danny Ildefonso at Olsen Racela at sa Alaska naman ay may Johnny Abarrientos, Willie Miller at Kenneth Duremdes kasama Bong Hawkins, Jeffrey Cariano at Jojo Lastimosa.

Mangunguna naman para sa Purefoods sina Alvin Patrimonio, Jerry Codinera, Bong Ravena, Dindo Pumaren at Roger Yap habang sina Jayjay Helterbrand, Bal David, Pido Jarencio, Vince Hizon, Marlou Aquino at Rudy Distrito ang babandera sa Ginebra.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?