28

Sep 11, 2021 @ 15:40
By

Payo ng eksperto sa Ivermectin susundin ni Duterte

Susundin ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ano ang posisyon ng mga eksperto sa paggamit ng Ivermectin.

Sa kabila ito ng pahayag ng ilang grupo na nakakatulong ang Ivermectin laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng Pangulo na marami siyang naririnig na nakakatulong ang Ivermectin sa ilang pasyenteng may COVID-19 subalit susunod pa rin siya sa posisyon ng mga doktor sa gobyerno.

“For some people it could be quite a good gamble to embark on, pero ako since I am with government, I am a worker of government, I rely on the work and the narratives of government doctors. So I am bound by what they say. Hindi ako masyado ako puwedeng magsalita ditong Ivermectin,” anang pangulo.

Bagamat mayroon na aniyang clinical studies sa ibang bansa tungkol sa paggamit ng Ivermectin, wala pang naglabas ng medical journal na magsasabing paborable ang resulta sa paggamit ng nabanggit na gamot.

Dahil dito, iminungkahi ni Pangulong Duterte sa doktor at sa pasyente na nasa kanila ang pagpapasya kung inaakala ng mga ito na makakatulong ang Ivermectin laban sa COVID-19.

Mahirap aniyang masisi ang gobyerno kung sakaling mapatunayang epektibo sa ibang pasyente ang Ivermectin.

“My suggestion is doctor-patient na lang. If both believe that it can help, that it will produce result, then nasa inyo na ho yan. I leave it up to your good discernment kung tama ba,” dagdag ng pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?