226

Oct 27, 2017 @ 16:22

Payo ng DOH: Buntis, matanda ‘wag nang pumunta sa sementeryo

Pinaalalahanan ngayon ng Department of Health (DOH) ang publiko para sa mga dapat isaalang-alang ng mga magtutungo sa sementeryo ngayong Undas.

Ayon kay DOH spokesman Dr. Lyndon Lee Suy, kung maaari ay huwag nang magtungo sa sementeryo ang mga buntis, matanda at may iniindang karamdaman dahil tiyak na mainit at siksikan sa mga libingan.

Gayunman, sinabi ni Lee Suy na kung hindi maiiwasan, dapat magdala ng gamot tulad  ng mga may maintenance medicine at magsuot ng face mask kung maysakit.

Pinayuhan din nito na magsuot ng preskong damit at magdala ng pamalit at bimpo ang mga magpupunta sa mga sementeryo bukod pa sa pagbibitbit ng  pamaypay at pananggalang sa init at ulan.

Upang makaiwas din aniya sa dehydration, kailangang magdala ng tubig lalo na at malayo ang nilalakad sa sementeryo.

Sinabi pa ni Lee Suy, huwag bumili ng pagkain kung hindi tiyak na malinis ang pagkakaluto kaya mas makabubuting magbaon na lamang pero dapat tiyaking hindi ito mabilis na mapanis. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?