145

Dec 6, 2017 @ 16:26
By

Payabangan sa trabaho: 4 obrero nagrambol, isa sugatan

Isang obrero ang pinagtulungang bugbugin at sinaksak ng mga kasamahang construction worker matapos magyabangan kung sino ang mas magaling sa kanila sa pinapasukang construction site sa Barangay Payatas sa Quezon City, Miyerkules ng madaling araw.

Bagsak sa presinto ng Batasan Police Station (PS-6) ang mga suspek na sina Rhodelio dela Cruz, Argun Espiritu, at Jovan Latosa matapos pagtulungang bugbugin at masaksak ang kasamahan na si Joshua dela Cruz, 19-anyos.

Ayon sa saksi, nakita na lamang niyang nagsuntukan ang mga suspek at ang sumunod na nangyari ay sinaksak ni Rhodelio ang biktima.

Depensa ni Rhodelio, hindi sila ang nagsimula ng gulo kundi ang biktima. Inamin nitong nag-ugat ang rambol sa payabangan nila sa trabaho.

Itinanggi naman ni Espiritu na sinaksak nila ang suspek. Aniya, hindi sinasadyang tumama ang katawan nito sa mga nakausling bakal sa construction site kung saan sila nagtatrabaho matapos makipagbuno sa biktima.

Nagtamo ng apat na saksak sa kaliwang tagiliran si Joshua na agad na nadala sa ospital at kasalukuyan nang nagpapagaling.

Samantala, nahaharap naman ang mga suspek sa kasong serious physical injury. (Dolly B. Cabreza/with trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?