460

Aug 24, 2018 @ 10:38
By

Paulo Avelino, may pressure sa box-office success ng ‘Goyo: Ang Batang Heneral’

Ipinahayag ni Paulo Avelino na hindi madali ang gumawa ng isang epic bio film, lalo na kung ukol ito sa isang kilalang bayani tulad ni Gen. Gregorio del Pilar o Goyo.

Mula sa matagumpay na historical film na Heneral Luna ilang taon na ang nakaraan,­ nagbabalik ang TBA Studios at si direk Jer­rold Tarog para sa much-awaited follow-up na Goyo: Ang Batang Heneral na pinagbibidahan ni Paulo bilang si Gregorio del Pilar.

Aminado ang Kapamilya actor na dugo’t pawis ang kinailangan niyang ilaan para mabigyan ng hustisya ang kanyang role.

“Mahalaga sa akin itong pelikulang ito hindi lang bilang artista, kung hindi bilang mamamayan ng Filipinas dahil importante sa akin na sana ay malaman ang istorya natin. Importante sa atin na paulit-ulit ipaalala itong mga istorya natin para makita ang mga pagkakamali natin at maitama ngayon,” wika ng aktor.

Saad pa ni Paulo, “Maraming makaka-relate not just the young people but all generations. Not just because of our history but because of knowing or remembering who you are. Parang iyong sa tagline nga, ‘Tandaan mo kung sino ka.’ Pagpapaalala sa iyo kung sino ka.”

Nabanggit din ni Paulo na may pressure sa kanya na maging successful din sa box-office ang Goyo: Ang Batang Heneral para magkaroon ulit ng funds ang producer na magprodyus ng panibagong movie.

“Ang pinaka-pressure sa akin ngayon ay gusto ko talagang kumita ‘yung pelikula para hindi na sila mahirapan kumuha ng funds or maghanap ng magpo-produce for the next film dahil sabi nga ni Jerrold kanina, ‘yung direktor­ namin, importante na mabuo itong tatlong pelikula para mas maintindihan natin ‘yung time na ‘yun kung ano ba talaga ang nangyayari noon,” aniya pa.

Ang tinutukoy ni Paulo na tatlong pelikula ay ang installment ng historical film na una na nga ang Heneral Luna, pangalawa ang Goyo: Ang Batang Heneral at pangatlo ang Manuel L. Quezon story na sususnod namang gagawin.

Bahagi rin ng pelikula sina Mon Confiado, Carlo Aquino, Epi Quizon, Matt Evans, Gwen Zamora, Empress Schuck, Rafa Siguion-Reyna, Arron Villaflor, Alvin Anson, Art Acuña, Ronnie Lazaro, Perla Bautista, Benjamin Alves, at iba pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?