240

Oct 27, 2017 @ 17:13

Patung-patong na kaso vs tsuper ng ‘killer truck’

Kasing-bigat ng malalaking mga bakal na lulan ng minamanehong 22-wheeler truck ang ikinaso laban sa driver nito matapos na araruhin ang limang sasakyan kung saan lima ang namatay sa Quezon City nitong Huwebes ng hapon.

Sinabi  ni Quezon City Traffic Sector 5 Maj. Roldante Sarmiento, sinampahan nila ng  patung-patong na kaso ang driver ng 22-wheeler truck na si Nilo Calimutan sa Quezon City Regional Trial Court. Ang driver ay kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple injury at damage to properties.

Nabatid pa kay Sarmiento na may nag-iikot nang liaison officer mula sa kompanyang may-ari ng naturang trailer truck, sa mga ospital para ayudahan ang nasugatang mga biktima.

Magugunitang lima katao ang sinasabing namatay habang 13 ang malubhang nasugatan makaraang mawalan ng preno at tuluy-tuloy na dumausdos pababa ng  kalsada ang 22-wheeler truck na may lulang malalaking bakal, at araruhin ang mga sinusundang sasakyan at sagasaan din ang mga naglalakad na tao sa San Mateo IBP Road, Brgy. Batasan Hills, Quezon City nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 26.

Halos magkagutay-gutay ang katawan ng mga namatay matapos na maipit ng mga bakal na nagbagsakan mula sa trak.

Ang iba pang mga biktima ay dinala sa Malvar General Hospital sa Commonwealth Avenue, QC, at St. Mathew’s Hospital sa San Mateo, Rizal. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?