81

Nov 2, 2017 @ 19:23

Patung-patong na kaso vs Indonesian terror fighter

Isinailalim na sa inquest proceedings ang Indonesian na umano’y miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at kasama sa mga nakabakbakan ng tropa ng pamahalaan sa Marawi City.

Si Muhammad Ilham Syahputra ay isinalang sa inquest para sa reklamong rebelyon, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Act, Explosives Act at paglabag sa International Humanitarian Law.

Si Assistant State Prosecutor Ethel Rhea Suril ang tumayong inquest officer sa inihaing reklamo ng Philippine National Police (PNP).

Kinumpirma naman ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na “submitted for resolution” na ang kaso.

Matatandaang si Syahputra ay naaresto nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Loksadatu sa Marawi habang tinatangkang tumakas.

Nakuha sa kanyang pag-iingat ang isang kalibre .45 baril, granada, mga foreign currencies at cellphone.

Agad na inilipad ang dayuhan sa Maynila kagabi sakay ng Cebu Pacific flight.

Sinasabing dumating ito sa bansa noong Nobyembre 2016 matapos imbitahan ni Abu Sayyaf Group leader Isnilon Hapilon na nauna nang napatay ng tropa ng gobyerno noong Oktubre 16.

Sinasabing dumaan sa training ng Maute ang nasabing dayuhan at nag-recruit pa ng mga child warrior.

Habang hinihintay ang magiging resolusyon ng piskalya, si Syahputra ay ikukulong muna sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Kampo Crame. (Maricel Diaz/Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?