9

By

Patty ikinampay ang Generika laban sa Sta. Lucia

Sharing is caring!

Hindi na pinatagal ng Generika-Ayala Lifesavers ang laban, dinispatsa sa tatlong set ang Sta. Lucia Lady Realtors 25-7, 25-11, 25-11 sa Philippine Superliga All-Filipino Conference Huwebes sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Ikalawang panalo ito ng Lifesavers sa limang asignatura habang ligwak pa rin sa 5 laban ang Lady Realtors.

Inako ni Patty Orendain ang opensa ng Generika, pumalo ng 16 puntos katuwang sina Angeli Araneta at Ria Meneses na may tig-11.

“Mahaba ‘yung liga, ang importante ‘yung remaining games at ‘yung quarterfinals. Sana magtuloy-tuloy lang ‘yung laro ng mga bata,” wika ni Generika coach Sherwin Meneses.

Inamin din ni Meneses na nakapagpataas ng moral ng mga manlalaro niya ang nakasungkit ito ng dalawang sunod na panalo.

“Last game maganda ‘yung pagkapanalo namin, ngayon din maganda. Siguro ‘yung mga next game namin mataas ‘yung moral, mas malaki ang chance na manalo,” dagdag nito.

Ito na siguro ang isa sa pinakamasamang laro na naipakita ng Lady Realtors sa first round ng liga dahil sa unang set palang ay halatang hirap ang mga ito at pitong puntos ang nagawa nito.

Sa pagpasok ng third set ay sinubukan pa ng Sta. Lucia na ipwersa pa sa isang set ang laro pero kinapos ito nang sunod-sunod na bumulusok si Orendain sa kabilang dulo.

Pumalo ng limang puntos si Jhoana Maraguinot para sa kanyang tropa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?