101

Dec 7, 2017 @ 14:41
By

Patrol boats mula sa France, matatanggap ng PCG sa 2018

Sa harap ng matinding problema sa terorismo, madaragdagan ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Inanunsiyo ng PCG na sa Hunyo ng taong 2018 ay maide-deliver na ng gobyerno ng Pransya ang apat na patrol boat sa PCG, at sa Agosto 2019, inaasahan namang darating sa bansa ang isang off-shore patrol vessel.

Ayon sa PCG, gagamitin ang mga bagong water asset sa pagtiyak ng kaligtasan at seguridad sa maritime borders ng Pilipinas.

Malaki umano ang maitutulong ng mga nasabing sasakyang pandagat para mabantayan ang ating exclusive economic zone mula sa mga pirata at mula sa banta ng terorismo.

Ginawa ng PCG ang anunsyo sa pagbisita ng mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Assistant Secretary Lino Dabi sa OCEA Shipbuilding sa France na gumagawa ng mga patrol boat.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Philippine Ports at Coast Guard Development Project.

Ang proyekto ay sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at France sa hangad na mapaghusay ang overall maritime protection ng Pilipinas. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?