220

Dec 2, 2017 @ 18:56
By

Patong-patong na kaso isinampa sa trike driver

Patong-patong na mga kaso ang kinakaharap ngayon ng isang tricycle driver matapos umanong laitin at alipustahin ang mga pulis na pumara sa kanya sa kanilang isinasagawang Oplan Sita sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Navotas City Police Community Precint 4, ganap umanong alas-10:30 ng gabi nangyari ang insidente sa kahabaan ng Dalag Street, Barangay North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod, sa tapat lang ng Agora Market.

Kasalukuyan umanong lulan ng kanyang pinapasadang tricycle ang suspek na si Erwin de Jesus, 27-anyos, ng Block 23, Area 1 ng nasabi ring lugar nang dumaan sa nagsasagawa noon ng Oplan Sita na mga tauhan ng nasabing himpilan ng pulis.

Agad silang pinara nina PO1 Edmark Sabado at PO1 Giovannie Roa ngunit sa halip na sumunod ay nagalit pa ang suspek saka pinagsisigawan ang dalawang pulis at nagpatuloy sa kanyang pagmamaneho.

Pinigilan ito ng dalawang alagad ng batas ngunit nagmatigas ang suspek kung saan inalipusta pa niya ang mga pulis at sinabihang hindi naman Oplan Sita ang pakay ng mga ito kung hindi Oplan Mamera, na ang ibig sabihin ay mamemera.

Aarestuhin na sana ang trike driver ngunit tumakbo ito papasok ng Agora Market kung saan nakorner naman ito at dinala sa presinto.

Sa ngayon ay patong-patong na kaso ang kinakaharap nito gaya ng alarm and scandal, resisting arrest at disobedience.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?