115
magdalo-gary-alejano
By

Pati sip ng Pinoy pinapasakop sa China

Sharing is caring!

Mukhang hindi pa kuntento ang China sa pagsakop ng ating teritoryo sa West Philippine Sea, pagwasak ng tuluyan sa Scarborough Shoal at harap-harapang pagnanakaw sa mga kababayan nating mangingisda. Ngayon, pinapapasok pa ng administrasyong Duterte ang China para impluwensyahan ang isip ng mga Pilipino.

Kitang-kita ito sa desisyon ng People’s Television Network (PTV 4) na ipalabas ang mga Chinese TV series, movies, documentaries, at cartoons sa naturang istasyon. Ang PTV 4 ay pag-aari at direktang pinamamahalaan ng gobyerno. Ang pagpapatakbo dito ay ginagastusan gamit ang kaban ng bayan.

Hindi maunawaan ng karamihan sa atin kung bakit isinusulong ni PCOO Secretary Martin Andanar ang aksyong ito. Ang pag-ere ng kanilang mga programa ay magsisilbing paraan ng China upang i-kundisyon ang kamalayaan ng mga Pilipino na unti-unting tanggapin ang kanilang kultura.

Ang mas nagpapalala dito ay maaari itong magamit bilang behikulo ng pagsulong ng propaganda ng China. Kinukundisyon ang isipan ng mga tao sa mabuting pakikipagkaibigan ng China habang ninanakaw naman nila ang ating mga teritoryo sa West Philippine Sea at pinagsasamantalahan ang ating mga mangingisda doon. Ang paggamit ng tila inosenteng mga programa ay parte ng kabuuang estratehiya ng China upang isulong ang kanilang mga interes sa West Philippine Sea.

Dapat ipatupad ng PTV 4 ang kanilang mandato bilang state TV network. Ipalabas ang mga programang nagtuturo at nagpapatibay ng mga kaugalian, kasaysayan at kulturang Pilipino- hindi iyong mga programang tila nagmumungkahi ng kataksilan sa bayan.

Ang China ang pangunahing banta sa ating pambansang seguridad dahil sa patuloy nilang pangangamkam at paninira sa ating mga teritoryo sa West Philippine Sea. Ngunit, hindi lamang isla ang kanyang pwedeng sakupin. Maaari din itong makapasok nang tuluyan sa kultura at kamalayaan ng mga Pilipino. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit sa kabila ng banta sa ating seguridad at harap-harapang pagyurak sa ating mga karapatan bilang isang bansa, pinapahintulutan pa rin ng administrasyong Duterte ang ganitong mga uri ng panghihimasok ng China sa ating pulitika at ekonomiya, at ngayon, pati sa kultura.

Tumindig tayo laban sa lahat ng anyo ng ganitong panghihimasok. Huwag nating tanggapin ang dayuhang pwersa na sapilitang ipinapalunok sa atin ng administrasyong Duterte. Pagpapatunay lamang ito na ang independent foreign policy na iniyayabang ng administrasyon ay malayong-malayo sa katotohanan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?