dead-body
By

Patayan, pag-abuso sa war on drug, hindi na mauulit – Palasyo

Sharing is caring!

Kinalma ng Malacanang ang publiko kasama na ang Human Rights Watch sa pangambang baka manumbalik ang maramihang pagpatay ngayong maaari na muling maglunsad ng anti-drug operations ang Philippine National Police.

Sinabi kahapon ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi maiaalis na mabahala ang ilang mamamayan pero mismong ang pamunuan na ng PNP ang nagsabing may mga gagawing safeguards ang mga pulis.

Maglalagay na aniya ng body camera ang mga pulis sa kanilang anti-drug operations para masigurong walang magaganap na pang-aabuso.

Sakali man aniyang may naganap na pang-aabuso, sinabi ni Panelo na tiyak na hindi ito kukunsintihin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil siya mismo ang nagsabing mananagot ang mga pulis na mapapatunayang lumabag sa kanilang tungkulin.

” Well, natural lang naman iyong mabahala sila; ever since naman palagi silang ganoon. But I think that is misplaced. Ang pagbabalik ng PNP ay hindi dapat ikabahala sapagkat makakatulong ito, given the fact na iyong mga PDEA ay kulang na kulang sa personnel. Pangalawa, meron nang mga ginawang safeguards. Hindi ba sinabi na iyong mga pulis natin magkakaroon na ng mga camera sa mga katawan nila. So iyong fears na baka mang-abuso eh medyo malabo na iyon. Pangatlo, kahit na nga may abuso, hindi naman tino-tolerate ni Presidente Duterte iyon. So there is nothing to worry or to fear or to be apprehensive about,” ang paliwanag ni Panelo.

Agad na nagpahayag ng agam-agam ang human rights groups na baka maulit ang mga insidente ng patayan noong panahong aktibo ang PNP sa kanilang Oplan Tokhang.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?