123

Dec 5, 2019 @ 11:59

Patay sa Bagyong Tisoy umakyat sa 17

17 katao na ang namatay habang nagdeklara na ang Naga sa Camarines Sur, Albay, at Sorsogon ng “state of calamity” matapos humagupit ang Bagyong “Tisoy” ngayong linggo.

Nitong Lunes at Martes, pumanaw ang pitong tao sa Mimaropa, limang tao sa Bicol, at apat sa Calabarzon.

Ayon din sa pulisya, isang 15-anyos na high school student sa Isabela ang nalunod matapos tangayin ng alon habang umuulan at naliligo silang magkakaibigan sa Divilacan Bay.

Sa ngayon, bine-verify pa rin ng awtoridad ang ilang namatay.

Nasa 345,000 residente naman ang nananatili sa mga evacuation center nitong Miyerkoles, saad ni National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal sa isang TV interview.

Sa huling tala ng Pagasa nitong alas-diyes ng gabi, Miyerkoles, nasa 420 kilometro kanluran ng Subic, Zambales na ang tropical storm “Tisoy” at hindi na direktang nakaaapekto sa bansa.

Gayunman, makararanas pa rin ng mabigat na pag-ulan sa Hilagang Luzon at Aurora dulot ng Northeast Monsoon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?