145

May 4, 2021 @ 11:39
By

Patama kay Angel? Mga nagpapapila para sa ayuda binanatan ni Duterte

Nakatikim kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga indibidwal na tumutulong sa gitna ng pandemya subalit hindi naman sumusunod sa mga pag-iingat laban sa COVID-19.

Sa kanyang Talk to the People nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na nagdagsaan at nagkumpulan ang mga tao na hindi malayong nalagay sa peligro sa COVID ang mga ito.

“You know, there are people who really do not know what they are doing. Sabi nila we are ignorant. May isang babae na ano. I was not referring to her, I do not even know her. I just heard it sa TV,” anang Pangulo.

Kung tutulong aniya ay dapat na ipaalam sa barangay para maalalayan at maipatupad ang tamang pag-iingat para hindi makapag-uwi ng virus sa pamilya.

“People were swarming. It might not be the first thing that you did with your idea but from there, it generated itong mga ganito. So nagkalapit-lapit hanggang tumaas na naman,” dagdag ng Pangulo.

Dahil dito, napilitan aniya ang gobyerno na magpatupad na naman ng quarantine para malimitahan ang mga tao sa paglilipat ng virus sa mas maraming indibidwal.

Tinawag ni Pangulong Duterte na nagdudunong-dunungan ang ibang gustong makatulong subalit hindi alam ang epekto ng kanilang ginawa, at kapag nagkaproblema ay isisi sa gobyerno.

“Ginawa niyo hindi ninyo talaga alam. Huwag na tayong magbolahan kasi kung alam ninyo yan, hindi ninyo ginawa. It has something to do with common sense. Hindi niyo alam na nagdudumugan yung mga tao. Iyan ang mahirap tapos ang gobyerno ang masama,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang dinumog ng mga tao ang community pantry ng aktres na si Angel Locsin at  hindi nasunod ang health protocols, kung saan isang matandang lalaki ang hinimatay at binawian ng buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?