138
Pastor na naka-hit and run sa doktora, sumuko
By

Pastor na naka-hit and run sa doktora, sumuko

Nakonsensiya umano kaya sumuko ang isang pastor na suspek sa pagkamatay ng doktora sa Santiago, Agusan del Norte noong Pebrero 7.

Kinilala ang pastor na si Charlie Cayetano Prior, dating spiritual adviser ng Butuan City Hall.

Kusang-loob siyang sumuko dahil sa pagkakabundol kay Dra. Zuriel G. Arambulo, doktora ng Department of Health sa mga barrio sa Santiago.

Nasagasaan umano ng suspek ang doktora dakong alas-8:50 ng gabi sa National Highway na sakop ng Zone 2 Barangay Poblacion pero imbes hintuan ang biktima at dalhin sa ospital ay pinaharurot ng pastor ang itim niyang kotse at iniwan ang biktima sa kalsada.

Naisugod naman sa Cabadbaran District Hospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival.

Depensa ni Prior, hindi umano niya sinasadyang takbuhan ang nagawa dahil nataranta lang siya.

Samantala, sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ang suspek at nakapiit na sa Santiago Municipal Police Station.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?