43

Dec 3, 2019 @ 14:36
By

Pasok sa mga tanggapan ng gobyerno, paaralan sa Metro Manila, suspendido

Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila epektibo alas-12:00 ng tanghali ngayong Martes, Disyembre 3 dahil sa bagyong Tisoy.

Batay sa Memorandum Circular No. 73 na inisyu ni Executive Secretary Salvador Medialdea, simula alas-12:00 ng tanghali ngayong Martes ay wala nang pasok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila pati na ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa Metro Manila.

Ang suspensiyon sa mga paaralan at tanggapan ng gobyerno ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Gayunman, sinabi ni Medialdea na hindi kasama sa mga maagang mapapauwi sa trabaho ang mga nagtatrabaho sa tanggapan ng gobyerno na ang mandato ay magbigay ng pangunahing serbisyo at magresponde sa panahon ng kalamidad.

“Those agencies whose functions involve the delivery of basic and health services, preparedness/ response to disasters and calamities, and or the performance of other vital services shall continue with their operations and render the necessary services,” ani Medialdea.

Ipinauubaya naman ng Malacañang sa mga pribadong kumpanya ang pagpapasya kung magpapauwi ng maaga sa kanilang mga empleyado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?