70

Oct 30, 2019 @ 14:27
By

Pasok sa mga gov’t office sa Oktubre 31, half-day lang

Idineklara ng Malacañang ang half-day work ng mga kawani ng gobyerno sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan ngayong Huwebes, October 31,2019.

Batay sa inilabas na memorandum circular no. 69 ng Office of the Executive Secretary, simula alas dose ng tanghali ay suspendido na ang operasyon ng mga tanggapan ng gobyerno para bigyang-daan ang mga kawani na makapaghanda para sa Undas.

Batid ng Palasyo na marami ang uuwi sa mga lalawigan para dalawin ang mga namayapang mahal sa buhay kaya binigyan ng pagkakataon ang mga ito na makauwi ng hindi naghahabol ng panahon.

“To provide government employees full opportunity to properly observe All Saints Day (01 November 2019), and to allow them to travel to and from the different regions in the country, work in government offices on 31 October 2019 is hereby suspended from 12:00 noon onwards,” anang memorandum circular.

Gayonman, hindi kasali dito ang mga kawani na nagtatrabaho sa mga tanggapang nakatutok sa health services at mga kalamidad.

Ipinauubaya naman ng Malacañang sa mga pribadong paaralan at mga pribadong kumpanya ang pagpapasya kung magsususpinde rin ng klase at trabaho para makapaghanda sa All Saints Day.

Ang memorandum circular ay pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea na may petsang October 30,2019.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?