121

Dec 14, 2017 @ 16:03
By

Pasok sa gobyerno, paaralan suspendido sa Dec. 26 at Jan. 2

Magiging mahaba ang Pasko at Bagong Taon ng mga kawani at opisyal ng gobyerno gayundin ang mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs) makaraang ideklara ng Malacañang na walang pasok sa Disyembre 26, 2017 at Enero 2, 2018.

Sa Memorandum Circular No. 37 na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, suspendido ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa nabanggit na mga petsa para magkaroon ng pagkakataon na maipagdiwang ang holiday season kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay.

Gayunman, nakasaad sa memorandum circular na hindi kasama dito ang mga ahensiya ng gobyerno na nagbibigay ng 24/7 na serbisyo tulad ng mga ospital, Philippine National Police, Bureau of Fire Department at iba pang ahensiyang ang mandato ay nakatutok sa kalamidad.

Ipinauubaya na ng Malacañang sa pribadong sektor ang pagpapasya kung may pasok o wala sa kanilang mga kumpanya sa nabanggit na mga petsa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?