10
trak
By

Paslit pisak ang ulo sa trak

Sharing is caring!

Nadurog ang ulo ng 2 taong gulang na batang lalaki matapos na masagasaan at magulungan ng trak habang naglalaro sa gilid ng kalsada sa Balintawak, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Halos hindi na makilala ang biktima na pinangalanan lamang na Ron-Ron, isang Badjao mula sa Muslim Tribes, at naninirahan lamang sa gilid ng kalsada sa A. Bonifacio, Balintawak, Quezon City,

Sa imbestigasyon ni SPO4 Jeanmar Bumanglag, ng Traffic Sector ng QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-sais ng gabi sa gilid ng kalsada ng Balintawak.

Sa report, pumarada lamang ang trak sa lugar, pero pag-alis nito ay doon na nakitang pisak na ang ulo ng bata.

“‘Yung mga bystander, sinubukan nilang habulin ang truck, pero dumiretso pa rin. Noong nagtanong-tanong ako kung ano hitsura ng trak, ang na-identify nila ay kulay yellow o orange,” sabi ni Bumanglag.

Nabatid na mag-iisang buwan nang nakatira sa gilid ng kalsada ang biktima kasama ang mga tiyahin, pinsan, lolo at lola nito.

Sinasabing nasa Zamboanga ang ina ang bata at may sakit kaya ang mga kaanak lamang nito ang nag-aalaga sa kanya.

“Binabantayan namin ang bata pero may ginagawa kami noong oras na maganap ang aksidente,” sabi naman ni Michelle Angiran, tiyahin ng biktima.

Hinala ni Bumanglag, hindi napansin ng drayber ng trak ang biktima dahil sa kaliitan nito. Umapela naman ang mga kamag-anak ng biktima na sumuko na ang driver at tulungan sila para mabigyan ng maayos na burol at libing ang bata.

Inaalam ngayon ng mga awtoridad kung may CCTV sa pinagyarihan ng insidente para matukoy ang plate number ng trak at matunton ang driver at may-ari nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?