198
Paslit nalunod sa QC resort
Mar 13, 2019 @ 15:05
By

Paslit nalunod sa QC resort

Maputla at hindi na humihinga pa nang maiahon ang nalunod na 5-anyos na batang lalaki mula sa swimming pool ng isang resort sa Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni PInsp. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Melvin Mirasol Mariano Jr., 5-anyos, day care pupil, at residente ng No. 30 Barcelona St., Project 8, Bahay Toro, QC.

Sa naantalang report na ipinarating kay PO3 Elario L. Wanawan ng CIDU-QCPD, ang aksidente ay nangyari dakong alas-9:30 ng umaga (March 10) sa swimming pool ng Dionicia’s Garden Breeze Resort na matatagpuan sa No. 185 Banlat Road corner Alcantara St., Brgy. Tandang Sora ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng magpipinsang sina Johnnyerson De Vera Iremedio, Bea De Vera at Vince De Vera, maliligo umano sila subalit paglangoy nila sa swimming pool ay nakita nila ang kasama nilang bata na palutang-lutang ang katawan sa pool.

Mabilis na nilangoy at iniahon ni Iremedio mula sa swimming pool ang biktima at agad namang isinagawa ng isang nakilalang Raymond Padua ang cardiopulmonary resuscitation (CPR) subalit nabigo itong ibalik ang malay ng bata.

Dahil dito ay isinugod na nila sa Metro North Medical Center ang biktima subalit idineklarang itong patay na ng attending physician na si Dr. Paulo Acosta.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may nangyaring kapabayaan sa panig ng may-ari ng resort sa naganap na aksidente dahil wala umanong nakatalagang lifeguard para mag-monitor at umasiste sa mga naliligo sa kanilang pinarerentahang swimming pool.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?