36

Feb 19, 2020 @ 17:01
By

Paslit nailigtas sa adik

Nasagip ng mga operatiba ng pulisya ang isang 2-anyos na batang babae matapos ang tangkang pagdukot dito ng isang biyudo na hinihinalang bangag sa droga nitong Miyerkoles ng umaga sa Purok 13, Poblacion, Valencia City, Bukidnon.

Kinilala ang nasagip na biktima na si Agatha Barete Cabactulan, residente ng Purok 1, Brgy. San Isidro ng lungsod na ito.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng kagawad ng pulisya ang suspek na si Eric Cabrejas, 47, walang hanapbuhay at naninirahan sa Brgy. Violeta ng nasabi ring siyudad.

Sa ulat na ipinadala ni Lt. Col. Silvestre Asiong Jr., tagapagsalita ng Bukidnon PNP, naganap ang insidente dakong alas-9:15 ng umaga sa tahanan ng pamilya ng biktima.

Ayon sa imbestigasyon, naglalaro ang bata sa terrace ng bahay nang iwan ito saglit ng kanyang ina upang kumuha ng tubig sa kusina.

Ito pala ang pagkakataong hinihintay ng suspek na nakatayo hindi kalayuan sa bahay ng pamilya.

Pinainan umano ng candy ng suspek ang bata para lumapit sa kanya at saka ito kinuha at lumayo sa lugar.

Eksakto namang pabalik na ang ina ng bata at kitang-kita nito ang pagmamadali ng suspek habang hawak ang kanyang anak kaya agad itong nagsisigaw at humingi ng tulong sa kapitbahay.

May napadaan na patrol car lulan ang dalawang pulis kaya agad na hinabol ang suspek na nasukol naman at nabawi ang bata.

Sa presinto sinabi ng suspek na halatang mataas pa ang tama dahil sa paggamit ng iligal na droga, na gusto lang umano niyang may makatabi sa pagtulog kaya kinuha nito ang bata.

Teorya ng pulisya sakaling hindi nabawi ang bata sa kamay ng suspek ay posibleng may hindi magandang nangyari rito dahil sa kalagayan ng suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?