107
mr-trabaho-joel-villanueva
Dec 24, 2017 @ 9:51

Paskong OFW

Noong isang linggo, napurnada ang byahe ng 131 kababayan nating mga Household Service Worker (HSW) sa Hong Kong para sana mag-Pasko dito sa Pilipinas.

Isa sa kanila si Gng. Vicky Delino na nag-book at nagbayad ng ticket sa PEYA Travel Agency noon pang Hulyo. Nang skedyul na ng byahe n’ya, wala ang pangalan n’ya sa nai-book na flight patungong Maynila.

Galit at panghihinayang ang naramdaman ni Gng. Delino lalo na’t ang hangad lang naman n’ya ngayong Pasko ay muling makapiling ang kanyang dalawang anak.

Bagamat aminado ang PEYA sa kanilang pagkakamali at humingi na sila ng paumanhin at nag-anunsyo na rin ng refund, hindi nito mabubura ang mapait na karanasan ng ating mga kababayan at ang pagkabahala ng kanilang mga kaanak.

Sa kabila ng sakripisyo ng mga OFW sa Hong Kong, nakakaranas pa sila ng ganitong problema dahil sa iresponsableng mga travel agency at ilegal na mga recruiter at manpower agency.

Nakipag-ugnayan po tayo kay Gng. Delino at napag-alaman nating nakauwi na siya dito sa Pilipinas, kasama ang ilan pang biktima ng PEYA, pagkatapos nilang bumili ng bagong ticket. Hanggang ngayon, hindi pa nakakapagbigay ng refund ang PEYA.

Hindi po dapat ganito ang Paskong OFW. Kaunting araw na nga lang ang mayron sila tuwing uuwi sa bansa para sa Kapaskuhan, nagkakaroon pa sila ng alalahanin at sama ng loob.

Kailangang masupil ang patuloy na panloloko sa mga OFWs at titiyakin nating handa ang ating konsulado sa Hong Kong sa ganitong mga insidente.

Solusyon po dito ang ating panukalang batas, Senate Bill No. 968, na maglalagay ng mga social welfare attaché sa mga konsulado at embahada para mabilis na makaresponde sa mga OFWs, lalo na ang mga household service worker, na nangagailangan ng tulong.

Sa unang anim na buwan ng taong 2017, umabot po sa 124,970 ang bilang ng mga Household Service Worker na nai-deploy abroad. Malaki po ang ambag nila sa kabuuang cash remittance ng mga OFW na aabot sa 28-bilyong dolyar sa pagsasara ng 2017. Sa laki ng kanilang kontribusyon sa ekonomiya, dapat lang na magtalaga ang gobyerno ng dagdag na mga social welfare attaché na mangangalaga at magtatanggol sa kanila.

Kasama n’yo po ako sa pananalangin na nawa’y pagpalain ang lahat ng mga Overseas Filipino Workers at ang kanilang mga mahal sa buhay upang tunay na maging masaya at puno ng pag-asa ang Paskong OFW.

Maligayang Pasko sa ating mga balikbayan at sa ating lahat.

Job Fair Schedule

Sta. Barbara Job Fair

Orbos Gym, Poblacion Norte, Sta. Barbara, Pangasinan

December 28

(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?