31

Sep 21, 2020 @ 11:53
By

Pasilip sa Manila Bay Sands tigil na – Yorme Isko

Matapos ang dalawang araw ng kumpulan ng mga bumisita sa Manila Bay Sands, hiniling na umano ng lokal na gobyerno ng Maynila na barikadahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nasabing lugar.

Wika pa ni Manila Mayor Isko Moreno, may banta pa ng COVID-19 kaya hindi muna dapat pumunta ang mga Pinoy sa nasabing mala-white sand beach na bahagi ng Manila Bay.

“Pakiusap ko lang sa mamamayan, gustuhin man nating makita ‘yung Manila Bay white sands, e siguro may iba pa namang panahon,” sambit ng alkalde.

“I already asked DENR to close ‘yung bakod dahil hard hat pa, may construction pang nagaganap.”

“Alam ko po marami sa inyo, nasisiyahan, nagagalak sapagkat ito ay kakaibang pangyayari. ‘Yung imposible naging possible. Ngunit, naalala ko pa rin meron pang pandemya. Meron pa akong pangamba, panganib sa lungsod ng Maynila,” aniya pa.

Makikita sa mga larawan at video noong weekend na maraming nalabag na anti-coronavirus protocol sa nangyaring pagbisita sa Manila Bay Sands kabilang ang pagpapanatili ng 1-metrong physical distancing at ang tamang pagsusuot ng face mask at face shield.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?